rheyven
Forum Corporal

Posts: 34
|
 |
« Reply #16 on: February 13, 2010, 21:24:47 » |
|
Hindi lingid sa ating kaalaman ang lawak ng daynamismo ng lipunang ating ginagalawan ngayon. Bagaman mayroon tayong sariling kultura at pamamaraan bilang mga Pilipino, ang pagbabago ng panahon at mga madidilim na parte ng ating kasaysayan ay nakapagpabago ng anyo ng ating lipunan. Bukod sa isang diversified culture, nawalan ng mukha o identity ang tinatawag na kulturang pinoy. Mahirap tukuyin ngayon kung ano, sino, at saan nagmula ang iba’t-ibang ideyolohiya na nakaapekto sa isang lipunan sa modernong panahon. Ang bilis ng pagbabago ngayon ay nakakapagal sa makinarya ng lipunan na dumating ang isang punto na iba’t-iba na rin ang kulay ng ating pampulitikang paniniwala o tinatawag na “political spectrum”. Ang tinatawag na political spectrum ay kumakatawan sa samu’t-saring ideyolohiya ngayon sa ating lipunan na binubuo ng tatlong pangunahing paniniwala—magmula sa dulong kaliwa, gitna, at dulong kanan. Ang pagkakaroon ng samu’t-saring paniniwala ay nakakapagpadulot ng isang tunggalian sa ating lipunan na sa huli’y sumisira at bumabago sa natural at purong porma ng ating sariling kultura.
Hindi masama ang pagbabago sapagkat ang pagbabago mismo ang nakakapagpalusog ng isang lipunan at nakakapagpalawak ng kaalaman ng tao. Ngunit sa kabilang banda, mayroon ding epekto ang pagbabago sa ating lipunan. Ito ay maaring mahati sa dalawang pangunahing epekto—ang epekto sa kalikasan at epekto sa tao. Una ay ang epekto sa kalikasan, ito ay tumutukoy sa pagkasira ng kalikasan. Sa bilis ng pagbabago ngayon kaalinsabay sa pagunlad ng teknolohiya, ang matinding epekto nito sa kalikasan ay sumasalamin sa pagkalason ng hangin, pagdumi ng ilog at dagat, at paginit ng mundo. Itong epekto ng pagunlad samakatuwid ay direktang pagkasira ng natural na balanse ng kalikasan. Pangalawa ay ang epekto sa tao na tumutukoy naman sa pagusbong ng iba’t-ibang paniniwala o idelohiya. Hindi man masama kung tutuusin ang pagusbong ng iba’t-ibang paniniwala o eskwelahan ng karunungan, ang pagtutunggalian ng mga ito ay nakakapagdulot ng sosyal na kaguluhan at kadiliman. Bawat paniniwala o karunungan na natutuklas ay tumutunggali sa isa’t-isa. Nagkakaroon ng pagkakahati-hati ng paniniwala ang mga taong bumubuo ng lipunan na sa huli’y maaaring bumaklas sa lusog ng pagkakaugnay ng indibidwal na elemento ng lipunan o social interdependency.
At dahil sa problemang nabanggit sa patuloy na pagbabago ng lipunan, nangangailangan ngayon ng isang kaisipang sasaklaw sa iba’t-ibang kaisipan sa ating lipunan ngayon at pagiisahin ang bawat paniniwala. Sa ganitong paraan, lahat ng mabuting taglay ng mga lupon ng kaisipan sa ating lipunan ay makakapagpadulot ng isang mapayapang rebolusyon ng pagbabago na makakapagpaunlad sa lahat ng aspeto ng lipunan (kalikasan, ekonomiya, antas ng kalidad ng buhay ng tao, atbp.)
Ang isang alternatibong paraan upang pagisahin ang iba’t-ibang kaisipan ay ang paggamit ng isang puro at dalisay na elemento ng lipunan, at iyon ay ang aspeto ng kultura. At sa ating panglipunang lagay ay ang ating sariling kultura o Filipino culture. Ito ay hindi bagong konsepto, kailangan lamang na linangin, pinuhin, at alamin natin ang tunay na kulturang pinoy sapagkat ito ay makakapagbigay muli ng mukha sa ating lipunan ngayon na punong-puno ng tunggalian. At sa paglilinang at pagpipino ng ating kultura ay nabuo ang kaisipang AAGAPAY. Ang AAGAPAY ay isang kaisipang base sa kulturang pinoy na “bayanihan” na ang layunin ay mapagbuklod ang lahat ng umiiral na mga kaisipan ngayon sa ating lipunan, maging dulong kaliwa, gitna, o dulong kanan man. Sa ganitong pamamaraan ay magkakaroon ng isang malakas at buong pwersa na makakapagpabago at makakapagpaunlad sa ating lipunan ngayon.
aagapay advocacy
|